Sunday, February 23, 2014

5 Months and counting


  Una sa lahat, binabati ko ang sarili ko dahil sa matagumpay kong pagtatapos ng kursong kinuha sa kolehiyo limang buwan na ang nakakaraan. Limang buwan na ang nakakaraan ng magsimula akong maging bahagi ng halos kalahating milyong fresh graduates na naghahanap ng una nilang trabaho. Limang buwan na din ang nakakaraan ng magsimula akong mangarap na matanggap agad sa mga a-apply-an kong posisyon, matulungan ang pamilya, magsimulang makapamuhay ng mag-isa, at makabili ng mga Kamen Rider collectibles. Limang buwan na din ang nakakaraan simula ng maranasan ko ang mga bagay na mararanasan lang ng isang first time jobseeker. At higit sa lahat, limang buwan na din ang nakakaraan simula ng maging opisyal akong tambay/tangbay (taong bahay).

  Hmm... Limang buwan na nga pala ang lumipas. Parang kailan lang ay nagmamadali akong matapos ang lahat ng term paper ko sa bawat major subject ko sa kolehiyo at ang pag-o-overnight para sa hell week. Mabilis na dumaan ang buhay-kolehiyo ko nang hindi ko namamalayan. Kung pwede lang sigurong ibalik ang oras, susubukan kong baguhin ang karamihan sa mga desisyong ginawa ko. Baka iba siguro ang tinatahak kong landas ngayon. Ngunit dahil ang tanging oras lang na pwedeng ibalik ay ang mga kamay ng sarili mong orasan (hindi ng buong mundo), kailangang tanggapin na lang at mag-move on.


  Ginawa ko ang blog na ito para maging daan upang mailabas ang mga saloobin ko sa buhay-buhay. Nariyan ding isusulat ko ang mga pagrereklamo sa mga kompanyang ayaw magbaka-sakali sa mga fresh graduates kagaya ko na may maliwanag na hinaharap sa kani-kanilang tatahakin na daan. Pero sa tingin ko, karamihan ng mga mailalahad dito ay mga 
kwento ng mga bagong karanasan ko habang naghahanap ng trabaho at kasabay nito ang mga aral na natutunan ko (kung meron man). 

  Kung sa ano mang rason ay napadaan ka sa blog na ito at naiirita ka sa mga maaaring isulat ko dahil napakamakasarili, estupido, mababaw at kung anu-ano pang negatibong pang-uring maaaring ilarawan dito. Please, mag-comment ka lang. Bukas ang blog na ito para paglabasan ng lahat ng sama ng loob, depresyon o hinanakit dahil sa di ka pa rin nagkakaroon ng trabaho. Huwag mo na lamang asahang ako'y magkokomento.  

0 comments:

Post a Comment