Monday, February 24, 2014

Resume 101


  Alam kong napakaraming article sa internet patungkol sa kung papaano ang tamang paggawa ng resume. Maging ako, kumonsulta din sa mga articles ng About.com, Jobstreet, at kung anu-ano pang resume writing tips na nasa first page ng Google Search. Syempre, sa resume nakasalalay kung tatanggapin ka ng mga pag-a-apply-an mo ng trabaho. Dito nakasulat ang lahat ng mayroon ka gaya ng contact number, edukasyon, skills at kung minsan, mga hobbies at interes sa buhay. May mga employer na required ang picture (madalas ay 2x2) sa resume pero hindi lahat ay ganito.

  Pagdating sa resume ko, maswerte nang nakadalawang pahina ako (salamat sa spacing). Hindi naman sukatan ang page number pero ang ibig sabihin ng isang 3-page resume (lalo kung fresh graduate ka, gaya ng mga nakasabay ko) ay seminars, training, at OJT na makakapagpaangat sa kanya sa iba. Kapag ikinumpara ang resume ko sa iba, bukod sa maluluwag na spacing, tanging college degree ko lang ang maipagmamalaki ko. Hindi kasi ako nag-OJT dahil hindi keri ng powers ko ang paggawa ng manuscript patungkol sa dalawang buwang pagtatrabaho sa isang kompanyang hindi ko sigurado kung may ideya sa kursong kinukuha ko (no offense, pero marami sa na-apply-an ko ang halos walang ideya sa course ko).

  Dahil sa 'one of those' nga lang ang resume ko, naiisipan kong mag-iba ng approach. Isang beses ko lamang itong ginawa at di ko na muling inulit. Sinubukan kong lagyan ng design ang resume na balak kong ipasa sana sa isang job fair. Maganda ang ginawa kong resume (proud) habang tinitignan ko yung soft copy. Tamang-tama yung color palette at hindi mukhang flyer para sa isang salon/spa.

  Araw ng job fair. Nagmamadali na ako nun para ipa-print dahil mahuhuli ako sa job fair (ayokong nahuhuli, nadala na ako sa haba ng pila). So pagka-print, hindi ko na sinulyapan pa ang kinalabasan. Pag-upo ko sa harap ng employer (nakangiti syempre!), aktong iaabot ko na ang kopya nang mapansin kong isang malaking disaster ang resume ko. Tanging yung mga parte lang na walang design ang nababasa. Saglit akong tumigil at inisip ang susunod kong gagawin. Kinakabahan ako ngunit pilit na ngumiti at sinabi sa babaeng employer na "Sorry, I forgot to bring my resume. Anyways, thanks." Dali-dali akong tumayo at di na lumingon pa sa kanya o sa mga taong nakapila nun sa likod ko. 

  Napagtanto ko na lang na sana credentials na lang yung sinabi kong naiwan ko para hindi mas mukhang kahiya-hiya. Umalis ako, muling nagpa-print at bumalik sa job fair  ngunit sa ibang employer na ako pumila. 

  Kung may sisisihin man sa nangyaring iyon, dapat ay ang computer shop. Una sa lahat, pangit ang printer nila. Pangalawa, mahal pa silang maningil kahit madaming ipina-print. At pangatlo, hindi man lang pinansin nung may-ari ng comp shop na pangit yung printed materials niya. Sayang ang pera, sayang ang ink.

Tips: Huwag nang subukan pang lagyan ng kung anu-anong kolorete ang resume. Ilagay na lang sa mukha kapag may interview. Pagdating sa picture, siguraduhing desente ang kuha at suot (although pwedeng ipa-edit) at white ang background. Upang makatipid, ipa-scan ang hard copy ng 2x2 at ipalagay sa soft copy ng resume. 

Sunday, February 23, 2014

Online Job Application


  Jobstreet.com? Syempre, kung bagong graduate ka o basta naghahanap ka ng trabaho at marunong kang mag-surf sa internet, malamang ay alam na alam mo na kung ano itong website na ito. Sa maikling deskripsyon, ito ang isa sa pinakakilala at pinagkakatiwalang website pagdating sa paghahanap ng trabaho, dito sa Pinas pati sa mga karatig bansa. Sa huling pagbisita ko sa website na ito (mga limang minuto na ang nakakalipas), mahigit 17,000 na trabaho ang available at take note pang fresh grads pa lamang yun. 

  2012 nung una akong nag-sign up sa website na ito. Estudyante pa ako noon. Ang dahilan ng paggawa ko ng account? Para makagawa ng resume na requirement sa isa kong klase dati. Isang taon ang lumipas ng muli kong buksan ang account ko dun. Ang dahilan naman ngayon (hulaan mo), walang iba kundi makapaghanap ng trabaho. 

  Bukod sa Jobstreet.com, gumawa din ako ng account sa iba pang mga job site gaya ng ph.Jobsdb.com, JobOpenings.ph, LagunaJobs.net (taga-Laguna kasi ako), Monster.com.ph (nagulat ako na job site din pala ito), Phil-Job.net, at Bestjobs.ph. Nagba-browse din ako sa Indeed.com.ph na isang job search engine. Ang mga website na ito ang palaging nasa address bar ng browser ko tuwing nag-i-internet ako. 

  15 out of 21 na job interview and/or examination ko, mula sa online application sa mga website na nabanggit ko sa itaas. Karamihan ay sa Jobstreet. Hindi pa kasama doon ang mga failed online application ko (masayadong marami, swear!). Karamihan din ng mga nakilala ko habang nasa mga job interview ay may account din sa mga job site sa itaas. 

  Sa panahon kasi ngayon, karamihan na ng employer ay online na ang paraan ng pagtanggap ng job application. Uso pa rin naman ang walk-in at pagtawag upang humingi ng appointment ngunit dahil nga sa karmaihan ng mga tao ay nakaharap o may kakayahang makagamit ng computer, mas preferred na nila ang ganitong sistema. Mas madali nga namang sumagot ng e-mail kaysa gumamit ng telepono (ako nga ,di marunong gumamit ng landline), bihira na rin ang may landline at mahal ang tawag ng cellphone to landline (minsan, di pa maganda ang quality ng tawag). Nakakaktipid sa oras at panahon ang online application para sa mga employer at maging sa mga jobseeker lalo na sa mga nasa karatig probinsya kagaya ko. Yun nga lang, ang nakakainis na bahagi ng online application o kahit anong bahagi ng paghahanap ng trabaho ay ang paghihintay.

Tips: Gumamit ng matinong pangalan sa email account, matinong picture kung gusto mong maglagay sa account mo, at mag-subscribe sa job alerts nila (specify mo lang ang mga nais mong trabaho o field na papasukan mo) para mas mapadali ang paghahanap mo ng trabaho.

  

5 Months and counting


  Una sa lahat, binabati ko ang sarili ko dahil sa matagumpay kong pagtatapos ng kursong kinuha sa kolehiyo limang buwan na ang nakakaraan. Limang buwan na ang nakakaraan ng magsimula akong maging bahagi ng halos kalahating milyong fresh graduates na naghahanap ng una nilang trabaho. Limang buwan na din ang nakakaraan ng magsimula akong mangarap na matanggap agad sa mga a-apply-an kong posisyon, matulungan ang pamilya, magsimulang makapamuhay ng mag-isa, at makabili ng mga Kamen Rider collectibles. Limang buwan na din ang nakakaraan simula ng maranasan ko ang mga bagay na mararanasan lang ng isang first time jobseeker. At higit sa lahat, limang buwan na din ang nakakaraan simula ng maging opisyal akong tambay/tangbay (taong bahay).

  Hmm... Limang buwan na nga pala ang lumipas. Parang kailan lang ay nagmamadali akong matapos ang lahat ng term paper ko sa bawat major subject ko sa kolehiyo at ang pag-o-overnight para sa hell week. Mabilis na dumaan ang buhay-kolehiyo ko nang hindi ko namamalayan. Kung pwede lang sigurong ibalik ang oras, susubukan kong baguhin ang karamihan sa mga desisyong ginawa ko. Baka iba siguro ang tinatahak kong landas ngayon. Ngunit dahil ang tanging oras lang na pwedeng ibalik ay ang mga kamay ng sarili mong orasan (hindi ng buong mundo), kailangang tanggapin na lang at mag-move on.


  Ginawa ko ang blog na ito para maging daan upang mailabas ang mga saloobin ko sa buhay-buhay. Nariyan ding isusulat ko ang mga pagrereklamo sa mga kompanyang ayaw magbaka-sakali sa mga fresh graduates kagaya ko na may maliwanag na hinaharap sa kani-kanilang tatahakin na daan. Pero sa tingin ko, karamihan ng mga mailalahad dito ay mga 
kwento ng mga bagong karanasan ko habang naghahanap ng trabaho at kasabay nito ang mga aral na natutunan ko (kung meron man). 

  Kung sa ano mang rason ay napadaan ka sa blog na ito at naiirita ka sa mga maaaring isulat ko dahil napakamakasarili, estupido, mababaw at kung anu-ano pang negatibong pang-uring maaaring ilarawan dito. Please, mag-comment ka lang. Bukas ang blog na ito para paglabasan ng lahat ng sama ng loob, depresyon o hinanakit dahil sa di ka pa rin nagkakaroon ng trabaho. Huwag mo na lamang asahang ako'y magkokomento.